Bohol, posible na ring buksan sa turismo; hunger rate sa bansa, mababawasan sa pagbubukas ng ekonomiya ayon sa Malacañang

Photo Courtesy: HOW DO I GO - ASIA

Unti-unti nang bubuksan ang mga tourist spot sa bansa.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, matapos ang pagbubukas ng Baguio City at Boracay Island sa Oktubre 1, 2020 ay posible na ring buksan sa turismo ang Bohol.

Aabot naman sa 2,000 turista ang papayagang makapasok sa Boracay sa pagbubukas nito sa October 1.


Sa kabila nito, ikinalungkot naman ng Malacañang ang survey ng Social Weather Stations (SWS) na umabot sa 7.6 milyong pamilyang Pilipino ang nakaranas ng pagkagutom sa nakalipas na tatlong buwan.

Ito aniya ang dahilan kung kaya binuksan na ang ekonomiya ng bansa kahit may banta pa sa COVID-19 pandemic.

Paliwanag ni Roque, nauunawaan nila kung nakaranas ng pagkagutom ang mga Pilipino lalo na ang mga nasa sektor ng karpintero, driver at konduktor dahil sa limitado ang transportasyon.

Giit pa ni Roque, hindi naman naging pabaya ang pamahalaan sa pagbibigay ng ayuda sa mga apektadong sektor.

Nakapaloob din aniya sa P4.5 trillion 2021 national budget ang recovery at rehabilitation plan kung saan paglaanan ang pagbibigay ng mas maraming trabaho para mapababa pa ng husto ang bilang ng mga nagugutom.

Facebook Comments