Muling magbubukas sa turismo ang Bohol simula sa Nobyembre 15.
Ito ang inanunsyo ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque kasabay ng pagdalaw niya sa probinsya.
Ayon kay Roque, bahagi ito ng stratehiya ng pamahalaan upang muling pasiglahin ang ating ekonomiya na lubos na naapektuhan ng COVID-19 pandemic.
Sinabi naman ni Bohol Gov. Arthur Yap na sa mga magnanais na bumisita at magbakasyon sa Bohol ay dapat magrehistro muna sa tourism.bohol.gov.ph upang malaman ang mga ‘Do’s and Dont’s’.
Kinakailangan ding sumailalim sa RT-PCR test, 72 hours bago ang kanilang byahe patungong Bohol.
Ang mga rehistradong bakasyunista ay bibigyan ng QR Code at kinakailangan ding mag-book sa mga accredited hotels ng Department of Tourism (DOT).
Sa ngayon, hindi pa maaari ang DIY o Do It Yourself tour dahil mayroon lamang itinerary o mga lokasyon na pwedeng pasyalan ng mga turista.
Ilan sa mga pamosong tourist spots sa Bohol ay ang Chocolate Hills, Alona Beach, Philippine Tarsier Sanctuary at Loboc River Cruise.