BOL | Bangsamoro Organic Law, hindi naratipikahan ng Kamara

Manila, Philippines – Matapos ang mahigit isang oras na suspensyon ng sesyon ng Kamara, agad itong inadjourn para sa pagbibigay daan sa ikatlong SONA ni Pangulong Duterte.

Dahil dito, na-hostage ngayon ang Bangsamoro Organic Law o BOL na dapat sana ay raratipikahan ng Kamara.

Biglang nagmosyon si Deputy Majority Leader Rimpy Bondoc na iadjourn ang sesyon para sa SONA mamaya ng Pangulo.


Agad namang tumutol dito si Deputy Speaker Rolando Andaya dahil sa may naiwan pang agenda sa plenaryo.

Ayon kay Akbayan Rep. Tom Villarin, mistulang ‘intramurals’ ang nangyayari ngayon dahil mismong ang mga magkakaalyado ang nagbabanggaan.

Mababatid na nagkabanggaan noon sina House Speaker Pantaleon Alvarez at Davao City Mayor Sarah Duterte kaya naging maugong din ang balitang papalitan ang house leadership kung saan ipapalit dapat si dating Pangulo at Pampanga Rep. Gloria Arroyo.

Sinabi ni Villarin na lubhang seryoso ang awayan dahil sa biglang pag-adjourn ng sesyon.

Itinanggi naman ni House Committee on Justice Chairman Reynaldo Umali na hindi hinohostage ang BOL.

Hindi aniya magagawa ng liderato ng Kamara na ihostage ang BOL dahil pinagpuyatan at trinabaho ng husto ito ng mga mambabatas.

Nagsuspend aniya sila ng sesyon pasado alas onse para bigyang daan ang caucus ng PDP-Laban.

Pinag usapan anya sa caucus ang isyu ng kudeta kay Alvarez.

Lumabas anya sa caucus na walang kinalaman si Pangulong Duterte upang palitan ang lider ng Kamara.

Sinabihan anya sila ni Alvarez na kung ayaw na sa kanya ng Presidente ay handa siyang bumaba sa puwesto.

Facebook Comments