Ipinagpasalamat ng mga senador ang paglagda ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Bangsamoro Organic Law o BOL na inaasahang magpapaunlad at tutugon sa mga sigalot sa Mindanao.
Positibo si Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, na lulusot sa plebesito ang BOL dahil kung hindi ay mananatili ang kasalukuyang Autonomous Region in Muslim Mindanao o ARMM na aniya ay bigong makapagbigay ng kapayapaan at kaunlaran sa rehiyon.
Tiwala naman si Senator Richard Gordon na sa pamamagitan ng BOL ay makakamit ang inaasam na pagkakaisa, kapayapaan at pag-angat sa buhay ng mamamayan sa Mindanao ng hindi nalalabag ang konstitusyon.
Pinuri naman nina Senators Zubiri at Panfilo Ping Lacson ang strong political will at pagsisikap ni Pangulong Rodrigo Duterte na maisabatas ang BOL.
Gusto rin sana ni Lacson na magkaroon ng 2 sub-regions sa ilalim ng Bangsamoro Autonomous Region para maiwasan ang posibleng pagtiwalag ng Tausog at iba pang ethnic groups mula Basilan, Tawi-Tawi at Palawan.
Paliwanag ni Lacson, dapat matuto na tayo sa kasaysayan kung saan tumiwalag ang Maguindanaoans at Maranaws mula sa Central Mindanao na syang bumuo sa Moro Islamic Liberation Front o MILF ng magkaroon ng usapang pangkapayapaan ang gobyerno sa Moro National Liberation Front o MNLF na pinamumunuan ni Nur Misuari.
Bilang chairman naman ng committee on local government ay inaasahan ni Senator Sonny Angara na mapapabuti ng BOL ang buhay ng mga taga-Mindanao.
Natutuwa naman si Senator Nancy Binay na sa pamamagitan ng BOL ay makakamit ang makatotohanang local autonomy base sa itinatakda ng 1987 Constitution.