AMAS, Kidapawan City – Dumagsa ang libu-libong mga indibidwal sa paglulungsad ng “Bola Kontra Droga” sa mga bayan sa Cotabato.
Ayon kay Cot Provincial Planning and Development Officer (PPDO) Coordinator Loreto Cabaya, Jr., layon ng “Bola Kontra Droga” ay ilayo ang mamamayan lalo na ang kabataan sa illegal drugs at drug abuse.
Sa pamamagitan ng sports ay maiwawaksi ang pagkalulong sa droga at nakatitiyak pa ng malusog o magandang pangangatawan, ayon pa kay Cabaya. Una ng inilungsad ang Bola Kontra Droga sa mga bayan ng Aleosan, Midsayap, Alamada, Tulunan at nito lamang nnakalipas na linggo ay sa Pres Roxas at sa Kidapawan City.
Bahagi rin ng programa ng Provincial Anti-Drug Abuse Council o PADAC ang “Bola Kontra Droga” upang mapalakas ang kampanya laban sa droga alinsunod na rin sa kampanya ng administrasyong Duterte na lipulin ang iligal na droga.
Nanawagan naman si Gov Emmylou “Lala” J. Taliňo-Mendoza sa mamamayan na suportahan ang “Bola Kontra Droga” at gawing bahagi ng kanilang buhay ang sports.
Sinabi ng gobernadora na alinsunod sa adbokasiya at programa ng Serbisyong Totoo, ginagawa ng kanyang administrasyon ang lahat ng makakaya upang mailayo ang mamamayan sa illegal drugs.
Suportado naman ng Municipal LGUs, DepEd, DILG, PNP, AFP at ng PDEA ang naturang programa laban sa iligal na droga. (Jimmy Sta. Cruz-PGO IDCD)