Nagpaalala ang Bolinao Tourism Office sa mga biyahero laban sa mga hindi rehistradong tourism entities na nag-aalok ng serbisyo sa mga turista.
Ayon sa opisina, karaniwang lumalapit ang mga ito sa mga bisita gamit ang mga kaakit-akit na alok at “exclusive” na karanasan kahit wala namang rehistro o akreditasyon.
Babala ng awtoridad, maaaring magdulot ng scam, sobrang paniningil, at posibleng banta sa kaligtasan ang pakikipagtransaksyon sa mga hindi awtorisadong operator, na nagiging sanhi rin ng abala sa mga turistang maaapektuhan.
Pinayuhan ang publiko na i-verify ang akreditasyon, umiwas sa kahina-hinalang alok, at magsaliksik bago kumuha ng anumang serbisyo.
Hinimok din ang mga mamamayan na i-report sa Department of Tourism o sa lokal na tourism office ang mga pinaghihinalaang ilegal na operator.
Giit ng Bolinao Tourism Office, ang responsableng turismo ay nakasalalay sa matalinong pagpili at pakikipag-ugnayan lamang sa mga lehitimong establisyimento.







