BOMB JOKE | Pari na nag-bomb joke sa isang paliparan, naligtas sa asunto

Dumaguete – Kinumpirma ng pamunuan ng PNP Aviation Security Group na wala silang naisampang kaso laban sa isang pari na inaresto matapos magbiro ng bomba sa loob ng isang eroplano sa Dumaguete City kahapon.

Ayon kay PNP Aviation Sec. Group Director P/Supt Dionardo Carlos, hindi naman kasi nagsampa ng reklamo ang airline company ng naapektuhang eroplano kayat agad ding pinakawalan ang hindi na pinangalang pari kahapon.

Gayunman, sinabi ni Carlos na maaari paring kasuhan ang pari saka-sakali mang magsampa ng reklamo ang airline company


Nangyari ang insidente alas-11 ng umaga kahapon nang mapansin ng isang flight attendant sa aisle ng mga upuan ng mga pasahero ang isang bagahe na naglalaman ng pagkain na pag-aari ng pari.

Nakiusap umano ang flight attendant sa pari na kung maaari ay ilagay na lang sa cabin ang nasabing bagahe dahil bawal ang pag-iiwan ng foodpack sa daanan ng pasahero.

Pero humirit umano sa flight attendant ang pari na wag ng ilipat ang kanyang bagahe dahil wala naman itong bomba.

Dito na inalerto ng flight attendant ang kanilang piloto at matapos makakuha ng clearance sa control tower, pinababa ang lahat ng mga pasahero ng eroplano.

Mabilis na isinagawa ng mga tauhan ng explosive ordnance division ng AVSE group sa lugar ang tinatawag na panelling sa loob ng eroplano.

Ayon pa kay Carlos, alas-3 na ng hapon ng payagan makaalis ang eroplano matapos na magbigay ng clearance ang EOD na negatibo sa bomba ang eroplano.

Dahil dito muling nagpaalala ang PNP AVSE group, alinsunod sa umiiral na presidential decree 1727, sinuman magbibiro ng bomba, o bomb joke sa eroplano, maging sa mga paliparan ang lalabag ay maaaring maharap sa pagkakakulong ng hanggang limang taon at hindi bababa sa P40,000 ang multa sa sinumang mapapatunayang sangkot sa bomb jokes.

Facebook Comments