Manila, Philippines – Pormal ng kinasuhan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang blogger na si Andrew Olivar dahil sa bomb scare joke sa kanyang social media account.
Reklamong paglabag sa Presidential Decree 1727 in Relation to Republic Act 10175 o Cybercrime Prevention Law ang inihain laban kay Olivar.
Ang reklamo ay inihain ng regional investigation and detective management division ng NCRPO sa Department of Justice (DOJ).
Nag-ugat ang reklamo sa post ni Olivar sa kanyang social media account noong September 20, 2018 na nakakatakot umanong mag-rally sa EDSA para sa martial law declaration anniversary dahil sa tsismis na may sasabog na bomba gaya ng nangyaring pagsabog sa Plaza Miranda noong 1971 kung saan siyam na tao ang namatay.