BOMB SEARCH SA PAARALAN SA SAN CARLOS CITY, NEGATIBO

Negatibo ang naging bomb search operation ng awtoridad kasunod ng bomb threat na kumalat sa social media na umano’y nakatanim sa isang paaralan sa Brgy. Mabini, San Carlos City, Pangasinan.

Ayon sa San Carlos City Police Station, dumulog sa himpilan ang isang staff ng paaralan kasunod ng kumalat na bomb threat sa mga social media groups ng paaralan.

Base sa impormasyon, anim na bomba umano ang itinanim sa paaralan, partikular sa mga Kindergarten, Junior at Senior High School Building, gymnasium, computer laboratory, at faculty room, na diumano’y sasabog simula Nobyembre 17 bilang reaksyon sa umano’y hindi patas na pagtrato na nagdudulot ng anxiety at depression sa mga mag-aaral.

Tumagal ng abot isang oras ang bomb search ng awtoridad bago tuluyang ideklara na walang hazardous explosive devices ang natagpuan sa paaralan.

Muling iginiit ng himpilan na maaring kaharapin ng mga mahuhuling pasimuno ang kaso sa paggawa ng bomb joke na maaaring magdulot ng panic sa publiko.

Facebook Comments