Bomb threat sa Korte Suprema at Court of Appeals, drill lamang –SC

Isang drill lamang ang nangyaring bomb threat kanina sa Korte Suprema.

Ito ang pahayag ni Supreme Court (SC) Spokesperson Atty. Camille Ting, matapos na palabasin ang mga kawani ng SC kaninang alas-dos kwarenta’y singko ng hapon.

Ayon kay Atty. Ting, aprubado ng Supreme Court en banc ang fire and bomb threat evacuation drill at sabayang isinagawa rin sa Court of Appeals.


Inilikas ang mga kawani at pinapunta muna sa Paco Park, habang isinarado rin ang kahabaan ng Padre Faura.

Kasunod nito ay nagdatingan ang mga bomb squad, Philippine Coast Guard at mga SWAT.

Pero pinabalik din ang mga empleyado sa SC bandang alas-tres kinse ng hapon at binuksan na rin ang kalsada sa mga motorista.

Sabi pa ni Atty. Ting, sinadya talagang hindi rin sabihin sa pulisya at Coast Guard na drill lamang ito.

Sa panig naman ng Manila Police District, bagama’t drill lamang ay sineseryoso nila ang lahat ng mga banta.

Facebook Comments