
Kinuwestyon ng Malacañang ang naiulat na bomb threat sa Office of the Vice President (OVP) sa Mandaluyong City noong Lunes.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, marapat lamang na maglabas ang OVP ng kabuuang detalye sa nangyaring insidente.
Tugon ito ng Palasyo sa tanong kung may dapat bang ikaalarma ang publiko dahil iniuugnay ng iilan ang bomb threat sa pagkakaaresto ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Giit ni Castro, maraming pwedeng gumawa ng kwento at sabihing may bomb threat sa isang lugar kahit wala naman, kaya mas maganda aniyang ipakita ng OVP ang detalye kung ito ay mula sa kanilang opisina.
Matatandaang nauna nang sinabi ng OVP na isang tauhan nila ang nakatanggap ng text message na naglalaman ng bomb threat kaya agad na inilikas ang mga OVP staff sa isang secured area ng Robinsons Cybergate Plaza.
Sa kabutihang-palad anila ay walang nakitang explosive devices ang Explosive Ordnance Disposal Team ng Mandaluyong Police.