BOMBA, NATAGPUAN SA BULUBUNDUKING BAHAGI SA NATIVIDAD

Natagpuan ang isang hindi sumabog na bomba sa bulubunduking bahagi ng Sitio Limmongon San Jose, Barangay Cacandungan, Natividad, nitong Disyembre 18, 2025.

Ayon sa ulat, ipagbigay-alam ng isang opisyal ng barangay sa pulisya ang pagkakatuklas ng isang kahina-hinalang bagay sa lugar.

Agad na rumesponde ang mga awtoridad at matapos ang masusing beripikasyon, napag-alamang ito ay isang MK-82 bomb series na may tinatayang 180 sentimetro ang haba at may bigat na humigit-kumulang 500 pounds, na bahagyang nakabaon sa lupa.

Dahil matarik at mahirap pasukin ang lokasyon, itinuring na hindi ligtas at hindi posible ang pagkuha at pagdadala ng naturang bomba.

Kaugnay nito, inirekomenda ng Explosive Ordnance Disposal (EOD) technician ang pagsasagawa ng “blast-in-place” bilang pinakaligtas na paraan ng disposisyon.

Bago ang operasyon, nakipag-ugnayan ang pulisya sa lokal na pamahalaan at iba pang kaukulang ahensya upang matiyak ang kaligtasan ng publiko.

Matapos makuha ang mga kinakailangang pahintulot, matagumpay na naisagawa ang controlled detonation nang walang naitalang insidente.

Tiniyak ng PNP na mahigpit na sinunod ang lahat ng safety protocols sa buong operasyon.

Patuloy namang hinihikayat ng Natividad Police Station ang mga residente na agad iulat sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya ang anumang kahina-hinalang bagay upang maiwasan ang posibleng panganib sa komunidad. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments