Umapela ang Philippine Coast Guard (PCG) sa counterparts nito na tigilan ang paggamit ng water cannon laban sa kapwa coast guards.
Pahayag ito ni Philippine Coast Guard Commandant Admiral Ronnie Gavan, sa gitna ng mga insidente ng pangha-harass ng China Coast Guard sa mga tauhan ng PCG.
Sa talumpati ni Gavan sa special session para sa Maritime Law Enforcement and Confidence Building sa Singapore ay tahasan niyang sinabi na hindi magandang tingnan na binobomba ng tubig ng coast guard ang kapwa bantay dagat.
Umaasa aniya siya na matitigil na ang ganitong insidente at ang paggamit ng pwersa sa karagatan.
Sabi pa ni Gavan, hindi dapat gamitin sa pagmitsa ng apoy ang water cannon kundi pamatay sunog at pangsagip ng buhay.
Sa huli, sinabi ng opisyal na mananatiling propesyunal at kalmado ang Pilipinas sa gitna ng tensiyon sa West Philippine Sea.