BOMBING | Grupo o pagkakakilanlan ng mga nasa likod ng suicide bombing sa Basilan hindi pa matukoy

Basilan – Nanatiling blangko pa rin ang militar kung sino o anong grupo ang nasa likod ng suicide bombing na naganap kaninang umaga sa isang CAFGU Detachment sa Barangay Maganda, Lamitan City, Basilan.

Sa panayam ng DZXL 558-RMN Manila kay Colonel Edgard Arevalo, tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines (AFP), patuloy pa ang pangangalap ng ebidensiya at impormasyon ng militar hinggil sa pagkakakilanlan ng mga suspek.

Isang sundalo at apat na CAFGU ang nasawi matapos sumabog ang sasakyan na pinahinto sa checkpoint na minamaneho umano ng isang “foreigner looking” suspek na may isa pang kasama. Habang sinisiyat ng mga CAFGU ang sasakyan, bigla lang itong sumabog.

Sabi ni Arevalo ang mga pasahero ang nag-detonate ng hinihinalang Improvised Explosive Device o IED na nasa loob ng sasakyan.

Dalawang miyembro pa ng CAFGU ang malubhang nasugutan sa insidente.

Tumanggi naman si Arevalo na magsalita kung may kinalaman ang suicide bombing sa nakatakdang pagpirma ng Pangulong Rodrigo Duterte sa Bangsamoro Organic Law (BOL) sa Lunes, Agosto a-sais.

Sa kabila ng insidente tiniyak ni Arevalo na kontrolado ng mga otoridad ang sitwasyon hindi lamang sa Lamitan City kundi maging sa buong isla ng Basilan.

Facebook Comments