Muling umapela sa Department of Budget and Management(DBM) si Senator Christopher “Bong” Go na ikonsidera ang dagdag na calamity fund para sa local government units na matinding tinamaan ng Super Typhoon Rolly kamakailan.
Hinimok ni Go ang DBM na magkaloob ng replenishment ng calamity funds sa typhoon-hit areas, partikular na sa Regions IV-A, IV-B at V, sa pamamagitan ng pagbibigay ng kanilang local Disaster Risk Reduction and Management Fund na katumbas ng 1% ng Internal Revenue Allotments ng mga ito.
“Inuulit ko po ang aking apela sa DBM na pag-aralan ang pagbibigay ng karagdagang pondo para sa mga LGUs na pinakanaapektuhan ng Bagyong Rolly. Kahit at least 1% lang po ay i-replenish ninyo, malaki nang tulong ito,” Sabi ni Go.
“Malaki po ang magagawa ng pondong ito upang mapunan ang mga pangangailangan ng kanilang mga komunidad, lalo na’t naubos na ang kanilang naunang pondo dahil sa pandemya,” dagdag nito.
Ang apela ni Go ay kasunod nang pagkaubos ng calamity funds ng LGUs dahil saCOVID-19 pandemic at ang pinakahuling pananalasa ng mga bagyo sa bansa kamakailan.
Iminungkahi din nito sa executive department ang possibilidad na paggamit ng incremental provision ng additional funds para sa LGUs na matinding naapektuhan ng mga kalamidad depende sa pangangailangan ng kanilang mga komunidad at availability of funds.
Una nang sinabi ni Go na malaking tulong sa mga lokal na pamahalaan ang additional financial assistance upang makabili sila ng food products at iba pang mahahalagang gamit para sa mga apektadong komunidad.
“I’m appealing to the executive, kay Pangulong Duterte, kay [DBM] Sec. [Wendel] Avisado na tulungan po ‘yung mga LGUs na wala na pong calamity fund para po magamit nila dito sa typhoon, pambili ng pagkain, pambili po ng gamot, dahil sunod-sunod po itong disaster na ating kinakaharap,” pahayag ni Go.
Bago pa tumana sa lupa ang
Super Typhoon “Rolly”, sinabi ni Go na ininpormahan na niya Avisado na mahaharap sa malaking problema ang LGUs lalot karamihan sa mga ito ay nagamit na ang kanilang calamity funds para tugunan ang COVID-19.
“Ngayon, nabigla sila dahil sa bagyo, so baka kulang o wala na silang gagamitin para magbigay ng tulong sa mga apektado ng bagyo,” pagtatapos ni Go.