Bong Go at Bato Dela Rosa, may napupusuan ng Senate Committee

Ayon kay Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, nagpag-uusapan na nila ngayon ang mga Committee Chairmanship para sa 18th Congress.

Sabi ni Zubiri, napagkasunduan na mananatili ang Committee na hinahawakan ng mga nakaupong senador maliban na lang kung gusto nila itong bitiwan.

Ang mga Committee naman na iiwanan ng mga aalis na Senador ang ipapamahagi sa mga bagong halal.


Kabilang dito ang Committee on Health na pinamumunuan ni Senator JV Ejercito na napupusuang hawakan ni dating Special Assistant to the President Christipher Bong Go dahil may kaugnayan sa kanyang itinayong Malasakit Centers.

Nais naman daw ni dating PNP Chief Retired General Ronald Bato Dela Rosa na pamunuan ang Committee on Public Order and Dangerous Drugs na hinahawakan ngayon ni Senator Panfilo Ping Lacson.

Binanggit ni Zubiri, na pumayag naman agad si Lacson na planong kunin ang Committee on National Defense and Security na iiwanan ni Senator Gringo Honasan dahil ang termino niya ay magtatapos na sa June 30.

Pinag-iisipan naman ni Senate President Tito Sotto III na ibigay kay Senator Sonny Angara ang Committee on Finance na iiwan ni Senator Loren Legarda na nanalong kinatawan ng antique.

Hindi naman malinaw pa kung mababago o mananatili din ang mga Komite na hinahawakan ng mga Senador na kabilang sa minority bloc.

Facebook Comments