Nagtungo ang grupo ni Senador Christopher “Bong” Go sa Pasay City, araw ng Huwebes, November 26 para ayudahan ang mga pamilya na nasunugan sa Brgy. 43, zone 6, kamakailan.
Namahagi ang outreach team ni Go ng emergency assistance para sa agaran nilang pagbangon.
“Nakikiramay ako. Kapag may nasusunugan, unang-una ko na tinatanong kung may nasaktan ba. ‘Yung gamit naman, puwede natin pagtulungan o mabili pa ‘yan, ang pera ay puwede kitain subalit ang buhay ay hindi nabibili kaya mag-ingat tayo, mga kapatid,” saad ni Go sa pamamagitan ng video call, bago atasan ang kanyang staff na magkaloob ng ayuda sa nakaligtas na mga miyembro ng pamilya na namatayan ng dalawang kaanak.
Binigyan din ng pagkain, food packs at financial assistance at gift cards ang kabuuang
118 beneficiaries.
Nakatanggap din sila ng vitamins, masks at face shields na panlaban sa COVID-19.
Ginanap ang aktibidad sa Rafael Palma Elementary School kung saan mahigpit na ipinatupad ang safety protocols.
May besikleta rin na ipinamahagi ang grupo sa piling mga benepisyaryo para magamit sa pagpasok nila sa trabaho. Ang iba naman ay nakatanggap tablets para sa pag-aaral ng kanilang mga anak sa online education activities sa ilalim ng blended learning approach.
“Sa mga kabataan, mag-aral kayo ng mabuti dahil edukasyon lang ang puhunan natin sa mundong ito. ‘Yan ang magpapasaya sa inyong mga magulang, ang makapagtapos ng pag-aaral kayong mga anak,” paalala ni Go.
Bilang pinuno ng Senate Committee on Health, nag-alok din ng tulong si Go sa mga benepisyaryo na nangangailangan ng agarang atensiyong medical.
“Sumunod tayo sa gobyerno at ‘wag kayong mag-alala dahil kapag mayroon na ng safe na vaccine, uunahin namin ang mga mahihirap at vulnerable para makabalik na kayo sa normal na pamumuhay,” pagtitiyak ni Go.
“Huwag kayong mawawalan ng pag-asa. Kapit lang, magtulungan tayo. Sino lang ba ang magtutulungan kung hindi tayo, kapwa nating Pilipino?” himok nito.
“Kami ni Pangulo Duterte, patuloy kami na magseserbisyo sa inyo dahil para sa amin ang serbisyo sa tao ay serbisyo po ‘yan sa Diyos.”