BOOM TRUCK, NAHULOG SA BANGIN; 4 NA KATAO PATAY

CAUAYAN CITY – Nasawi ang apat na katao matapos masangkot sa isang aksidente sa lansangan ang sinasakyan nilang Mitsubishi boom truck na minamaneho ni Florante Barayuga, 42-anyos, may asawa, at residente ng San Andres, Santiago City nito lamang ika-27 ng Hulyo sa P-6 Barangay Sangbay, Nagtipunan Quirino.

Ayon sa imbestigasyon ng PNP Nagtipunan, ang naturang boom truck ay may mga lamang iba’t ibang construction materials at binabagtas nito ang kahabaan ng Dipantan, Nagtipunan, Quirino galing sa Dinapigue, Isabela.

Bukod sa mga construction materials, lulan din ng sasakyan ang anim na pasahero na sina Marco Valdez, 29-anyos; Marbil Medes, 34-anyos; Sonny Regatan, 58-anyos; Daisy Regaton, 48-anyos; Rogelio Neverio, 69-anyos; at si Henry Baldoza, 25-anyos.


Nawalan umano ng control sa manibela ang driver nang liliko na umano ito sa curve road na naging dahilan upang tumama sa guardrails ang sasakyang minamaneho nito at nahulog sa bangin.

Dinala ng Nagtipunan Rescue 105 at Maddela Rescue 104 sa Maddela District Hospital ang drayber at mga pasahero matapos magtamo ng malalang sugat.

Idineklarang dead on arrival ang drayber at pasahero nitong si Daisy, habang sina Neverio at Baldoza ay inilipat sa Southern Isabela Medical Center (SIMC) ngunit binawian din ng buhay ang mga ito.

Facebook Comments