Booster shot para sa Sinovac, patuloy na pinag-aaralan – DOH

Patuloy na pinag-aaralan ng Vaccines Expert Panel (VEP) kung bibigyan ng booster shots ang mga nabakunahan ng Sinovac COVID-19 vaccines para maitaas ang kanilang proteksyon laban sa virus.

Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, hindi pa inirerekomenda ng VEP ang booster shots para sa mga nakakumpleto ng kanilang vaccination.

Pero maaaring irekomenda aniya ng VEP na bigyan ng third dose ang mga immunocompromised.


Ang mga immunocompromised ay mga mayroong autoimmune diseases, HIV, cancer patients na sumasailalim sa immunosuppressive therapy, transplant patients, ang mga sumasailalim sa steroid treatment at mga pasyenteng bedridden o mayroong poor prognosis.

Sa ngayon, sinabi ni Duque na wala pang rekomendasyon para sa booster shots para sa general population.

Kinakalap pa ng VEP ang mga kinakailangang impormasyon na maaring gabay para sa Inter-Agency Task Force (IATF) at National Vaccination Operations Center para pagdesisyunan kung nararapat na bang magbigay ng booster shots.

Facebook Comments