Booster shot sa mga kabataan hindi pa napapanahon

Hindi pa pinag-uusapan ng Vaccine Expert Panel (VEP) ang pagbibigay ng 3rd dose o booster shot sa mga bata o edad 12 hanggang 17 taong gulang.

Sa Laging Handa public press briefing sinabi ni Dr. Nina Gloriani, ang pinuno ng VEP na sa ngayon ang pokus ng pamahalaan ay ang pagbabakuna sa ilan nating mga kababayan na ni isang dose ng bakuna ay hindi pa nakakatanggap.

Kinakailangan aniyang mabigyan agad ng proteksyon ang mga kababayan nating wala pang bakuna lalo na ang mga vulnerable sektor.


Sinabi pa ni Dr. Gloriani na kapag mataas na ang vaccine coverage sa isang rehiyon ay duon na magkakaroon ng booster shot tulad dito sa Metro Manila kung saan higit 90% na ang mga fully vaccinated.

Paliwanag pa nito, kinakailangan munang matapos ng mga bata ang kanilang 2nd dose at doon pag-aaralan kung kailangan pa ba nila ng 3rd dose dahil maganda naman ang immune response ng mga ito sa bakuna.

Sa ngayon tanging medical health workers muna ang nakakatanggap ng 3rd dose ng bakuna at isusunod na ang mga senior citizen at pangatlo ang mga immunocompromised condition o may mga comorbidities.

Facebook Comments