Patuloy na pinag-aaralan ng Vaccine Experts Panel (VEP) ang posibleng pagpapahintulot ng pamahalaan sa paggamit ng COVID-19 vaccine booster shots para sa mga nabakunahan ng Sinovac.
Ayon kay VEP Chairperson Dr. Nina Gloriani, ang inisyal na listahan ng mga ipaprayoridad sa makatanggap ng booster shots ay mga senior citizens at mayroong comorbidities.
Pero nilinaw ni Dr. Gloriani na hindi pa pinal ang listahan.
“Wala pang ‘yung bago na sinasabing bakuna nila pero iko-consider natin talaga ‘yan baka kailangan. Ang sasabihin ko sa ngayon ang mas kino-consider namin na mag-third dose, mauuna ay ‘yung mga may edad, may comorbidity o medyo mababa ang immune,” sabi ni Gloriani sa isang panayam.
Ang healthcare workers na kabilang sa A1 priority sector ng vaccination program ay ikinokonsiderang bigyan ng booster shots.