Pormal nang binuksan para sa mas maraming turista ang Boracay at Baguio City ngayong araw.
Matapos ang partial reopening noong Hunyo, bukas na rin ang Boracay Island para sa mga turistang manggagaling sa mga lugar na nasa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ).
Gayunman, dadaan sa mahigpit na health checks ang mga turista.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Department of Tourism (DOT) Secretary Bernadette Romulo-Puyat na bagama’t walang age restrictions, dapat na makapagsumite ng RT-PCR negative test result ang mga bibisita sa isla.
Umapela rin ang kalihim sa mga turista na maging tapat at huwag magpapabaya para mapanatiling COVID-free ang Boracay.
“Lahat ng health and safety protocols andyan. Kung ‘yong turista mismo ay hindi honest or you know, nagpapabaya, kailangan talaga magtulong-tulungan kasi as of today, ang Boracay ay zero COVID, so syempre sana mapanatili nating COVID-free siya,” ani Puyat.
Sa kabila naman ng naitalang pagtaas sa bilang ng kaso ng COVID-19 sa Baguio City, itinuloy pa rin ng lokal na pamahalaan ang pagbubukas ng sikat na tourist destination ngayong araw.
Gayunman, limitado lamang ito sa mga turistang manggagaling sa Ilocos Region.
“Halos lahat na dapat pwede na, ang turismo kasi halos lahat na ng tourist destinations [ay] under MGCQ. Pero medyo hesitant ‘yong mga LGU natin na magbukas. Nagbubukas lang sila sa kanilang probinsya pero ayaw nilang magbukas muna from outside the province. Gaya ng Baguio, sa Region 1 lamang. Gusto nilang i-test muna kung paano, kunwari mag-accept na sila ng turista kung paano na sana ‘wag tumaas ang cases nila,” paliwanag ng kalihim.
Samantala, bubuksan na rin sa publiko ang Luneta o Rizal Park simula October 5.
Ayon kay National Parks Development Committee Planning Chief Eduardo Villalon Jr., physical activities pa lamang ang papayagan at limitado ito sa 10-percent capacity.