Pasok ang dalawang island beach destinations ng Pilipinas sa 25 Best Island Beaches in the World in 2020 na inorganisa ng American travel publisher Conde Nast Traveler.
Ayon sa Department of Tourism (DOT), ang white beach ng Boracay ay second best island habang ika-siyam ang El Nido, Palawan sa listahan.
Para kay Conde Nast Travel Writer Caitlin Morton, ang Boracay ay isang “screensaver” na isinabuhay dahil sa matitingkad na buhangin, malinis na tubig at jungle backdrop.
Ang El Nido naman ay tahanan ng nasa 50 white sand beachers at lahat ay napapaligiran ng limestone formations.
Sinabi ni Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat, ang pagkakasama ng dalawang tourist destinations sa prestihiyosong travel publication ay malaking pagkilala sa ganda at natatanging atraksyon sa bansa.
Nagpapasalamat ang kalihim sa mga bumoto at magsisilbi itong inspirasyon.
Kasabay ng unti-unting pagbubukas ng mga tourist spots, tiniyak ng DOT na pangangalagaan at poprotektahan ang mga lugar na ito.
Sa ngayon ang Boracay at El Nido ay bukas na sa mga domestic tourist mula sa mga lugar na nasa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ) at Modified GCQ.