Maaari nang magtungo sa Boracay ang mga turistang manggagaling sa Western Visayas provinces simula sa susunod na linggo.
Ayon kay Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Roy Cimatu, inaprubahan ng Boracay Inter-Agency Task Force ang rekomendasyong buksan ang isla para sa turismo simula June 16.
Dagdag pa ni Cimatu, ang mga lokal na residente ng Aklan ay pinapayagan nang lumangoy sa dalampasigan noong June 1.
Pero nilinaw ng kalihim na ang mga may edad 60-taong gulang pataas at 21-taong gulang pababa ay hindi pa rin papayagang bumiyahe at lumabas.
Iginiit naman ni Department of Tourism (DOT) Secretary Bernadette Romulo-Puyat na kailangang sumunod ng mga establisyimento sa Boracay sa safety protocols tulad ng pagkakabit ng glass panels sa kanilang mga lobby, paglalagay ng disinfectants, at pagpapatupad ng “no facemask, no entry” policy.
Ang mga turista ay dapat mayroong health declaration forms.
Ang mga aktibidad na lalabag sa social distancing protocols ay ipinagbabawal pa rin.
Sinabi naman ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año, ang unti-unting pagbubukas ng negosyo sa sektor ng turismo ay pinapayagan sa mga lugar na nasa ilalim ng Modified General Community Quarantine (MGCQ).
Pinuri din ni Año ang mahusay na pagkontrol ng lokal na pamahalaan sa pagkalat ng COVID-19 sa lalawigan.
Inaasahang bubuksan ang Boracay sa mga turistang mula sa iba pang panig ng bansa.