Manila, Philippines – Inihayag ng Department of Labor and Employment na mayroong ng 448 Milyong piso na tulong pinansiyal para sa 18,000 manggagawa sa Formal Sector na apektado ng pansamantalang pagsasara ng Boracay Island.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, ang tulong-pinansiyal ay kumakatawan sa 50 porsiyento ng minimum na arawang sahod ng manggagawa na ibibigay sa mga rehistradong empleyado habang naka-suspinde ang kanilang trabaho sa isla.
Ito aniya ay bahagi ng pamamaraan na inilatag ng DOLE sa pamamagitan ng Boracay Emergency Employment Program (BEEP) para sa mga apektadong manggagawa sa nasabing lugar.
Paliwanag ng kalihim, mayroong 18,206 pormal na manggagawa at 3,954 manggagawa sa Informal Sector ang nai-profile noong Mayo 1.
Dagdag pa ni Bello na sa ilalim ng Adjustment Measures Program o AMP ng Labor Department, ang pinansiyal na tulong na may katumbas na 50 porsiyento ng kasalukuyang minimum na sahod sa rehiyon ang ibibigay sa 17,735 apektadong manggagawa sa formal sector sa loob ng anim na buwan o mula Mayo hanggang Oktubre 2018 na may kabuuang 448 milyon piso.
May inalaan ding 52 milyon piso sa hiwalay na Emergency Employment Program para sa manggagawa sa Informal Sector.
Ang makikinabang sa nasabing programa ay ang mga manggagawa sa transportasyon, haulers, tindera, at mga katutubo na pansamantalang magtatrabaho ng 30 araw para sa Coastal Clean-Up, gayundin ang clearing at reforestation ng mga mangrove site sa Boracay Island.