Boracay – Aabot sa 18 hanggang sa 20 bilyong piso ang inaasahang mawawalang kita sa tourism sector sa pagsasara ng Boracay island ng 6 na buwan.
Sa briefing sa Malacanang ay sinabi ni Interior and Local Government Undersecretary Epimaco Densing na wala talagang magagawa kundi pansamantalang isara ang isla para ito ay maisaayos at tiyak na magreresulta naman ito ng mas marami pang turista na bibisita dito.
Sinabi naman ni Tourism Assistant Secretary Ricky Alegre, kailangan talagang harapin ang epekto ng pagsasara ng Boracay na magsisimula na sa April 26.
Sinabi pa nito na hanggang sa ngayon ay patuloy ang kanilang pag-cocompute sa kung magkano ang kakailanganing halaga para tuluyang marehabilitate ang Boracay.
Tiniyak din nito na mahigpit nilang ipatutupad ang no tourist policy sa panahon ng total closure para matiyak na hindi na madagdagan pa ang problema habang nililinis ang isla.