Aklan – Hinihimok ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang libu-libong mga manggagawa na naapektuhan ng pansamantalang pagsasara ng Boracay na kumuha ng assistance package na ipinagkakaloob ng pamahalaan.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, mula kasi sa 19 libong rehistradong manggagawa sa Boracay, nasa 3,600 pa lamang sa kanila ang nag-aplay sa programa.
Kabilang sa mga tulong na matatanggap ng mahigit tatlong libong manggagawa ay P4,200 na buwanang pinansyal sa loob ng anim na buwan, pagsasailalim sa skills training at tulong para makahanap ng trabaho.
Ang panawagan ng DOLE ay para sa mga manggagawa na nasa formal sector.
Ang mga interesadong aplikante ay kinakailangan lamang umanong magsumite ng BEEP AMP Application Form, kopya ng certificate of employment, kopya ng ID na isyu ng gobyerno at katibayan ng account sa Land Bank of the Philippines sa DOLE Regional Office VI o sa mga field office ng kagawaran.
Para naman sa mga manggagawa sa informal sector at mga indigenous people, nagbibigay ang DOLE ng emergency employment na sampung araw na community work.