BORACAY TEMPORARY CLOSURE | Iba’t-ibang programa ng TESDA nakahanda na kasunod ng napipintong pagsasara ng Boracay Island

Manila, Philippines – Handang-handa na ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) para pagkalooban ng tulong ang mga maapektuhang manggagawa at residente sa pagsasara ng isla ng Boracay sa loob ng anim na buwan simula sa darating na April 26.

Kasunod ito nang direktiba ni TESDA Director General Guiling Mamondiong sa mga opisyal at empleyado ng TESDA Provincial Office sa Aklan na bumuo ng action plan para matulungan ang may 73,522 apektadong mga residente, kasama na ang 17,326 registered employee at 11,000 unregistered workers.

Ayon kay Joel Villagracia, TESDA Provincial Director ng Aklan, nakahanda na ang kanilang iba’t-ibang programa tulad ng pagkakaloob ng skills training programs para sa mga maapektadong indibidwal.


Sinabi nito na mag-aalok ang TESDA ng mga skills training sa ilalim ng Training for Work Scholarship Program tulad ng agri-business, information technology-business process management, semiconductors, electronics at Special Training for Employment Program

Target anila na makapagsanay ng 2,000 applicants sa buwan ng Abril hanggang Hunyo.

Sa kanilang binuong Action Plan Save Boracay ang unang round ng training ay magsisimula sa April 26 at nakatakdang magtatapos sa June 30, 2018.

Facebook Comments