Pagaganahin ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang Task Force Manila Shield.
Ayon kay PNP PIO Chief PCol. Jean Fajardo, ang nasabing task force ang maglalagay ng border control sa mga kalapit na probinsya at lalawigan ng Metro Manila.
Ito’y sa pamamagitan aniya ng tulong ng augmentation forces mula sa Police Regional Office 4A o CALABARZON at Police Regional Office 3 o Central Luzon.
Habang maglalatag din ng mga checkpoint sa Metro Manila upang higit na mabantayan ang mga papasok at lalabas ng kalakhang Maynila.
Ani Fajardo, makakaasa ang publiko na tutulong ang pulisya sa pagmamando ng trapiko lalo na sa bahagi ng Commonwealth Ave. at Batasan lalo na’t nagbigay ng direktiba si PNP Chief PGen. Rommel Francisco Marbil sa mga pulis na tutukan ang lagay ng trapiko para maiwasan ang inconvenience sa publiko dahil hindi naman pista-opisyal ang SONA.
Samantala, sinabi ni Fajardo na hindi nila paglalapitin ang mga pro at anti-government protesters.
Paliwanag nito, ang mga anti- government rallies ay hanggang sa kahabaan ng Commonwealth Avenue at Tandang Sora Avenue lamang papayagan habang ang pro-administration rallies ay hanggang sa Commission on Audit pwede magsagawa ng kanilang aktibidad.