Nagbabala ang National Capital Region Police Office (NCRPO) sa publiko na posibleng muling tumaas ang kaso ng COVID-19 kung hindi maipagpapatuloy ang pagsunod sa mga health protocol.
Ayon kay NCRPO Chief Police Major General Felipe Natividad, mahigpit ang kanilang ginagawang paalala sa publiko na sundin ang minimum health standards kahit pa ibinaba na ang alert level sa Metro Manila.
Sinabi ni Natividad, may advisory na inilabas ang OCTA Research at sinasabing posibleng magkaroon ng panibagong surge ng COVID-19 kapag hindi mag-iingat ang mga Pilipino at sumuway sa mga health protocol.
Dahil dito, pinagana ulit ng NCRPO ang kanilang border control checkpoints at magsasagawa ng deployment sa posibleng granular lockdowns.
Sa huli, umaasa si Natividad na patuloy na makikiisa ang publiko sa pagsunod sa mga health protocol para tuloy-tuloy nang bumaba ang COVID alert level sa buong bansa.
Huwag lang daw sarili ang isipin sa halip ay isipin ang kapakanan ng buong komunidad.