Border control, mas pinaigting upang hindi makalusot ang Lambda variant

Kasunod ng napabalitang bagong variant ng COVID-19 na Lamdba na unang na-detect sa Peru at nakita sa 35 iba pang Latin American countries, mas paiigtingin pa ng pamahalaan ang ating border control upang hindi ito makapasok nang tuluyan sa Pilipinas.

Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, sa ngayon ay hindi pa kinikilala ng World Health Organization (WHO) ang Lambda variant bilang ‘variant of concern’ bagkus ay ‘variant of interest’ pa lamang.

Pero magkagayunman, striktong ipinatutupad ang uniformed arriving protocols na 14 na araw na pag-quarantine sa mga returning Filipinos kung saan 10 araw ang igugugol nito sa isang government quarantine facility, isasalang sa swab test sa ika-pitong araw at kapag negatibo ang resulta ay itutuloy nito ang nalalabing 4 na araw na pag-quarantine sa kanilang tahanan na mahigpit na imo-monitor ng kanilang lokal na pamahalaan.


Sa pamamagitan aniya nito ay mahuhuli ang virus at hindi na magkakaroon pa ng community transmission.

Maliban dito, sinabi ni Duque na patuloy rin ang ginagawang bio surveillance ng Philippine Genome Center.

Malaking tulong din ani Duque ang kawalan ng direct flights mula sa Latin American countries dahilan upang hindi tuluyang makapasok sa bansa ang Lambda variant.

Kaugnay nito nananatili pa ring mabisa panlaban sa anumang uri ng COVID-19 variants ang mask, hugas, iwas at samahan pa ng pagbabakuna.

Facebook Comments