Inatasan na ni Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Rodolfo Azurin Jr., ang PNP Maritime Group at mga lokal na pulisya na paigtingin pa ang border control sa bansa.
Ito ay kasunod narin nang pagkakasabat ng PNP at ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) ang bultu-bultong kahon ng mga sigarilyo na tinangkang ipuslit sa bansa lulan ang mga bangka sa Brgy. Manalipa, Zamboanga City kamakailan.
Sa nasabing operasyon, apat ang naaresto ng mga otoridad na kinilalang sina Julhasim Said na siyang kapitan ng bangka kasama ang mga tripulante nitong sina Albaser Said, Akramin Tarawi at Rahim Said.
Dahil walang maipakitang mga ligal na dokumento ang mga naaresto, malinaw aniyang smuggled ang mga kontrabando.
Una nang ipinag-utos ng PNP chief ang paghihigpit sa mga dumaraang sasakyang pandagat dahil dito aniya kadalasang ipinupuslit ang mga iligal na droga.