Hiniling ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez na paigtingin pa ang border control sa Cagayan de Oro at Misamis Oriental.
Ito ay matapos na kalahati sa 11 kaso ng mas nakakahawang Delta variant ay naitala sa mga nabanggit na lugar.
Aniya, nagtataka ang kaniyang mga constituent kung papaanong nakapasok ang mga Delta variant carriers at bakit hindi ito agad nalaman sa airports, seaports o lugar na pinagmulan.
Giit ni Rodriguez, dapat na higpitan at palakasin pa ng Department of Health (DOH) at mga lokal na otoridad ang border at pandemic control measures upang maiwasan na ang pagpasok pa ng bagong variant sa mga lalawigan.
Bukod dito ay pinalalakas din ang pagpapatupad ng basic health protocols sa mga nabanggit na lugar.
Hiniling din ni Rodriguez sa DOH ang pagpapadala ng medical expert team sa CDO para tulungan sila na labanan ang pagkalat ng Delta variant gayundin ay humirit ang kongresista para sa dagdag na bakuna sa kanyang nasasakupan.