Hindi matindi ang pinsalang iniwan ng Bagyong Odette sa Borongan City, Eastern Samar.
Ito ang inihayag ni Borongan City, Eastern Samar Mayor Jose Ivan Dayan Agda sa Laging Handa public press briefing.
Kasunod nito nagpadala na ng tulong ang lokal na pamahalaan ng Borongan sa iba pang Local Government Unit na lubos na naapektuhan ng nagdaang kalamidad.
Ayon kay Mayor Agda, ang mga sumobrang food packs ay naipadala na nila sa Maasin, Leyte at may barko na rin silang patungo ngayon ng Siargao na may lulang 2,000 pirasong yero, 200 sako ng bigas, tubig, tinapay at iba pang pagkain.
Sinabi pa ni Agda bago manalasa ang bagyo ay nakapaglikas sila ng higit 4,000 indibidwal na naninirahan sa coastal areas at agad namang nakabalik sa kani-kanilang tahanan matapos manalasa ang bagyo.
Sa ngayon, maayos na ang signal, internet connectivity, suplay ng tubig at kuryente sa Borongan City, Eastern Samar.