Umabot na sa mahigit dalawang milyon ang naitalang nagparehistro sa Commission on Elections para sa nalalapit na National and Local Elections sa susunod na taon dito sa lalawigan ng Pangasinan.
Ayon kay Attorney Marino Salas, COMELEC Provincial Election Supervisor nasa 2, 036, 199 ang kabuuang bilang ng nagparehistro sa iba’t-ibang siyudad at munisipalidad sa lalawigan sa COMELEC.
Naglunsad din ng mobile app ang ahensya sa labing walong munisipalidad sa lalawigan na daan upang mas mapabilis ang pagpaparehistro.
Sinabi ni Attorney Salas, nasa 3, 000 Pangasinense ang nagparehistro dito at karamihan sa kanila ay kabataan.
Nagpapatuloy din aniya ang pagsasagawa ng off site registration sa ibat-ibang barangay sa lalawigan at nakatakda ring magsagawa ang mga ito mg registration sa mga mall matapos silang payagan ng IATF.
Muli namang nakiusap ang tanggapan na huwag ng hintayin pa ang huling araw o ang September 30 na siyang deadline sa pagpaparehistro upang maiwasan ang siksikan dahil nasa ilalim pa rin ng pandemya ang bansa.