Bumigat ang daloy ng trapiko sa boundary ng Cainta, Rizal at Pasig City dahil sa ipinatutupad na checkpoint ng mga pulis sa mga motoristang papasok sa lungsod ng Pasig.
Iniisa-isa ng mga pulis ang mga motorista, bikers, pribadong sasakayan, deliver van at mga naglalakad upang i-check kung sila ay kasama sa Authorized Person Outside the Residence (APOR).
Tinitingnan din ng mga pulis kung ang mga nasa loob ng sasakayan ay may suot na face mask, face shield at kung nasusunod ang social distancing.
Simula kaninang madaling araw hanggang ngayong umaga ay mayroong mga hindi pinapasok sa lungsod ng Pasig dahil sa kawalan ng ID at hindi naman APOR.
Tatagal hanggang Abril 4, 2021 ang checkpoint sa boundary ng mga nasabing lungsod sa may bahagi ng Eastbank Road ng Barangay Sta. Lucia.
Ito ay bilang bahagi sa muling pagpapatupad na isang linggong Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Metro Manila at sa apat na karatig na probinsiya na layunin na mapapaba ang kaso ng COVID-19.