
Walang nakita ang Bureau of Plant and Industry (BPI) na mga nakatagong sibuyas sa mga bodega.
Nauna nang inatasan ni Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel ang BPI na inspeksyunin ang storage facilities upang malaman kung may nang-iipit ng suplay ng sibuyas.
Sa isang pulong balitaan, sinabi ni Asec. at DA Spokesperson Arnel de Mesa na batay sa inisyal na inspection ng ahensya, walang laman ang storage facilities ng mga sibuyas.
Kabilang sa mga nainspeksyon ng BPI ay ang mga bodega ng sibuyas sa Hilagang Luzon, gitnang Luzon, Calabarzon at Mimaropa Region na maituturing na pinakamalaking producer ng sibuyas.
Ani De mesa, walang maituturing na nag-ho-hoard ng sibuyas sa bansa.
Nauna nang inaprubahan ng DA chief ang pag-import ng nasa 40,000 metriko tonelada ng sibuyas upang matugunan ang inaasahang kakulangan bago ang panahon ng pag-aani at upang mapamura ang presyo nito sa mercado.