BPO-IT company naghain ng reklamo sa Office of the Ombudsman laban sa alkalde ng Sto. Tomas, Batangas dahil sa ‘tongpats’

Sinampahan ng kasong katiwalian ng Wedo BPO Inc., sa Office of the Ombudsman si Sto. Tomas  Batangas Mayor Edna Sanchez.

Nag ugat ito sa umano’y panghihingi nito ng “kickback” mula sa kontratang pinasok ng Wedo BPO Inc., sa munisipyo ng Sto. Tomas noong Enero 4, 2010 na magbibigay ng makabagong sistema sa pangongolekta ng bayad sa tubig sa nabanggit na bayan.

Sa 11-pahinang reklamo ng Wedo Bpo inc., noong Setyembre 1, 2010, pinapunta ni Sanchez sa opisina ng Wedo ang bodyguard nitong si P02 William Ardaniel para kunin ang komisyon na tseke na nagkakahalaga ng P1.211,592.82 at P1 Million cash.


Ginamit umanong dahilan ni Mayor Sanchez sa paghingi sa Wedo ng komisyon ay dahil siya naman ang naging daan para mapunta sa nasabing kumpanya ang kontrata.

Ayon sa Wedo, umalma pa umano si Sanchez nang matanggap ang pera at tseke nang sabihin ng kumpanya na P4.94 Milyon lang ang kanilang natanggap sa kontrata dahil  sabi ni Sanchez ay P5.9 Milyon ang halaga ng proyekto.

Nilinaw naman ng Wedo na nabawasan na ang nasabing halaga ng mga taxes at iba pang bayarin.

Pumayag naman umano si Sanchez, ngunit muli umano itong humingi ng P1 Milyon para sa Dextral Lending Corp. sa kumpanyang ito umano nangutang ang Wedo para sa working capital nito sa proyekto.

Kasama sa inihaing reklamo ang mga tseke na ni-release ng kumpanya na nakapangalan kay Mayor Sanchez at ibang indibidwal na binigyan umano nito ng otorisasyon.

Facebook Comments