Humihingi pa ng karagdagang panahon ang Information Technology and Business Process Management (IT-BPM) sector para sa pagbabalik ng mga empleyado nito sa on-site work.
Ayon kay IT and Business Process Association of the Philippines (IBPAP) President Jack Madrid, susunod naman ang BPO firms sa utos ng gobyerno ngunit kailangan pa nila ng panahon para sa transition ng work-from home set-up at on-site operation.
Mahirap kasi aniyang maglipat ng higit isang milyong personnel at mga kagamitan mula sa bahay patungong opisina kung kaya’t kailangan pa ng dagdag na panahon.
Samantala, itinutulak naman ng IT-BPM ang hybrid set-up dahil marami sa mga empleyado ang nais ng location-independent na set-up upang mas maayos na makapagtrabaho.
Nabatid na bagama’t nasa gitna ng krisis ang bansa dahil sa pandemya, ay nakapagbukas ng 23,000 na trabaho ang BPO sector noong 2020 habang 100,000 naman noong 2021.