Branch Head ng Security Agency, Huli sa Pamboboso!

426

Cauayan City, Isabela- Arestado ang isang branch head ng security agency matapos mabisto sa paninilip at pagkuha ng video sa kanyang ka-trabaho na naliligo sa banyo sa kanilang inuupahang apartment sa Brgy. Quirino, Solano, Nueva Vizcaya.

Batay sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan, napansin umano ng biktimang itinago sa pangalang ‘Nena’ na kahera ng Guanzon Security na habang siya’y naliligo ng hubo’t hubad ay napansin nito na may cellphone sa isang maliit na butas sa kisame ng kanilang CR.


Sinubukang abutin ni Nena ang cellphone subalit hindi nito nakuha dahil medyo mataas ang kisame.

Dito na nagsisigaw at humingi ng saklolo si Nena sa kanilang Branch Head Security na si Roderick Macalino, 45-anyos, binata, tubong Rivera St, Brgy II and III, Dagupan City, Pangasinan na pansamantalang nanunuluyan sa Solano, Nueva Vizcaya.

Natuklasan na lamang ni Nena na pagmamay-ari ni Macalino ang naturang cellphone at nagtext pa umano ito ng “Cenxa kna deleted na”.

Dahil dito agad na nagreklamo si Nena sa kanilang main office at nagtungo sa himpilan ng pulisya upang ireklamo ang pamboboso ni Macalino.

Agad namang rumesponde ang kapulisan at inaresto ang suspek na pansamantala ng nasa kustodiya ng pulisya habang inihahanda na ang kasong RA 9995 (Anti photo and video Voyeurism Act of 2009) na isasampa laban sa kanya.




Facebook Comments