Nakiusap ang Task Group on Vaccine Evaluation and Selection (TG-VES) sa publiko na huwag tingnan ang brand ng bakuna.
Ayon kay Department of Science and Technology (DOST) Undersecretary Rowena Guevarra, na siyang pinuno ng Task Group, ang lahat ng bakuna ay magkakaparehas lamang.
Pero halos lahat ng subok at mapagkakatiwalaan ay mula sa China.
“Sana huwag natin tingnan kung ano ang brand kasi pagnagpabakuna ka naman ng chicken pox, hindi mo naman alam kung saan galling.Wala naman tayong tinitingnan na brands,” sabi ni Guevarra.
Mayroon aniyang apat na vaccine platforms, kabilang dito ay ang inactivated virus na itinuturing na ‘world standard.’
“Ginagamit natin ‘yan, lahat ng bakuna halos ganyan, at saan galing ang bakuna na ganyan among the COVID-19 vaccine, ‘yung sa China, yung inactivated virus. As far as the tried and tested technology, ‘yung sa China ang tried and tested,” sabi ni Guevarra.
Ang Russia aniya ay gumagamit ng kaparehas na technology platform, maging ang AstraZeneca ng United Kingdom.
“So kung tinatanggap mo ang AstraZeneca, dapat tanggapin mo rin ang Russia dahil pareho lang sila ng platform,” dagdag ni Guevarra.
Ang Pfizer at Moderna vaccines ay mRNA vaccines – na bagong platapormang ginagamit na hindi pa sinusubok sa mga tao.