Inaasahang maisasapubliko na sa mga susunod na linggo ng World Health Organization (WHO) ang brand ng COVID-19 vaccine na gagamitin para sa isasagawang Solidarity Trial sa Pilipinas.
Sa pagdinig ng House Committee on Health, sinabi ni Committee on Health Chairman Angelina “Helen” Tan na layunin ng briefing na ipabatid ang efforts ng gobyerno, suriin ang mga isyu, gaps at mga hamon gayundin ang mga pagsisikap para malagpasan ang kinakaharap na COVID-19 health crisis.
Sa update ng project leader na si Dr. Jodor Lim, sinabi nito na maaaring sa loob ng dalawang linggo ay mai-aanunsyo na ng WHO kung ano ang unang bakuna na gagamitin sa Solidarity Trial, habang halos isang buwan naman para sa ikalawang bakuna.
Aminado si Dr. Lim na natagalan sa paghahanda para sa Solidarity Trial dahil hindi pa agad matukoy ang bakuna na gagamitin bunsod na rin ng isyu ng suplay ng COVID-19 vaccines sa buong mundo.
Nasa 15,000 na participants, na may edad 18 hanggang 60 na taong gulang, ang makikibahagi sa randomized trial, na target na magtapos sa March 2022.
Dagdag ni Dr. Lim, ang tututukan muna para sa Solidarity Trial ay ang National Capital Region o NCR, pero posibleng palawakin pa ito o maisama ang mga lugar sa labas ng NCR.