
Cauayan City – Muling kinilala ng Department of Tourism (DOT) ang Lungsod ng Ilagan sa pamamagitan ng isang Plaque of Recognition sa ilalim ng Filipino Brand of Service Excellence (FBSE) program.
Ito ang ikalawang pagkakataon na natanggap ng lungsod ang nasabing parangal, na patunay sa tuloy-tuloy nitong pagtataguyod ng dekalidad na serbisyo at tunay na Pilipinong pakikitungo.
Ang Ilagan ang natatanging lungsod sa buong Rehiyon 2 na naka-institutionalize ng FBSE program, na layuning itaas ang antas ng serbisyo publiko sa pamamagitan ng makataong pagtrato, malasakit, at magandang asal.
Isa rin ito sa mga unang lungsod sa bansa na pormal na nagpatupad ng “Mabuhay Gesture” bilang opisyal na pagbati ng respeto at kagandahang-loob, alinsunod sa Resolution No. 234 na inaprubahan noong November 20, 2023.
Ang pagkilalang ito mula sa DOT ay isang patunay ng pagbibigay ng mabuting ehemplo sa serbisyo publiko, habang isinusulong ang tatak ng tunay na “Filipino hospitality” hindi lamang sa rehiyon kundi sa buong bansa.









