Inaabisuhan ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) ang publiko na nilabag ng Filipino-American vlogger na si Bretman Rock ang “flag law” o ang Republic Act no. 8491 o ang Flag and Heraldic Code of the Philippines.
Base sa Instagram story videos ni Bretman, makikitang nagte-twerk at nagli-lip sync siya habang pinapatugtog ang Lupang Hinirang.
Mabilis itong kumalat sa social media at inulan din ng batikos.
Ayon sa NHCP, ang pagsasayaw sa pambansang awit ay paglabag sa flag law.
Paalala ng NCHP, kapag ipinatugtog ang Lupang Hinirang, dapat lamang na igalang ito, huminto, at ilagay ang kanang kamay sa kanilang dibdib.
Hindi rin dapat ginagamit ang pambansang awit para lamang sa recreation, amusement at entertainment purposes.
Ang mga lalabag sa batas ay pagmumultahin ng 2,000 hanggang 5,000 pesos at pwedeng makulong ng higit sa isang taon.
Ang video ni Bretman ay inilabas tatlong buwan na ang nakararaan.
Humingi na ng paumanhin ang vlogger nitong Oktubre at agad na binura ang video kasunod ng mga kritisismo mula sa kanyang followers at iba pang online users.
Nang lumutang muli ang video, muling humingi ng dispensa si Bretman nitong December 31 at inaako niya ang responsibilidad sa kanyang ginawa.
Si Bretman Rock Sacayanan ay ipinanganak sa Pilipinas noong 1998 at tumira sa bansa ng ilang taon bago lumipat sa Hawaii at naging YouTube celebrity.