Nag-imbak na ng bakuna kontra flu ang Barangay 76 Zone 10 ng Pasay City.
Ayon kay Barangay Kagawad Rose Guamos, taunan ang kanilang ginagawang pagbabakuna sa mga batang may edad apat na taon pataas sa kanilang barangay bilang paghahanda sa panahon ng tag-ulan kung saan tumataas ang kaso ng flu.
Aniya, ginagawa nila ang pagbabakuna sa kanilang mobile clinic sa labas ng barangay hall.
Ayon pa kay Barangay Kagawad Guamos, hindi lamang ang mga taga Barangay 76 Zone 10 ng Pasay City ang nakikinabang sa kanilang vaccination program.
Bukas aniya ang kanilang mobile clinic sa iba pang mga residente ng Pasay City mula sa iba’t ibang barangay.
Kapag may sobra rin aniya silang vaccine vials, pinamimigay rin nila ito sa iba pang mga barangay sa lungsod partikular ang mga barangay na walang sapat na pondo para sa health programs.