Nagdesisyon ang Lokal na Pamahalaan ng Lungsod ng Maynila na isailalim ang buong Barangay 847 sa Pandacan, Maynila sa 48-hour Enhanced Community Quarantine (ECQ) simula bukas, Hunyo 1.
Ito ay matapos ang naging hiling ng mga opisyal ng Barangay kung kaya’t ipinag-utos na rin ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso na magpatupad ng COVID-19 surveillance, Rapid Risk Assessment at Testing Operations sa Barangay 847.
Magiging epektibo ang dalawang araw na pag-iral ng ECQ mula alas-12:00 ng madaling araw ng Lunes at tatagal hanggang alas-11:59 ng gabi ng Hunyo 2.
Ayon pa kay Mayor Moreno, apat na kumpirmadong kaso ng COVID-19 pa ang naidagdag dito kasabay ang anim na suspected cases sa nasabing barangay.
Paglilinaw naman ng Akalde, exempted sa lockdown ang mga Health Workers, Military Personnel, Service Workers, Utility Workers kabilang ang Port Operators, Barangay Officials, at Media Practitioners na Accredited ng Presidential Communications Operations Office at ng Inter-Agency Task Force.