Umabot na sa 500 ang mga indibidwal ng Barangay Addition Hills, lungsod ng Mandaluyong, ang nagpositibo sa Coronavirus Disease 2019 o COVID-19, ito’y matapos gawin ang rapid testing sa lugar.
Ayon kay Dr. Alexander Sta. Maria ng City Health Office ng Mandaluyong, ang nasabing bilang ay mula sa 2,277 na mga residente nito na sumailalim sa nasabing test.
Aniya, kasalukuyan silang naka-isolate sa mga quarantine facility ng lungsod at hinihintay na lamang ang resulta ng confirmatory na mula sa Philippine Red Cross (PRC).
Lahat aniya sila ay mga asymptomatic o walang sintomas ng sakit kaugnay sa COVID-19.
Ang Barangay Addition Hills ay mayroong 155,000 na populasyon at isa ito sa may pinakamaraming kaso ng virus sa lungsod kaya ito ay isinailalim sa total lockdown noong nakaraang linggo.
Batay sa pinakabagong tala ng Department of Health (DOH), ang Mandaluyong ay mayroong 515 na kabuuang bilang ng confirmed cases ng COVID-19, kung saan 45 rito ay nasawi at 156 na ang mga naka-recover.