Nagsimula nang magsilikas ang ilang mga residente sa mga madaling bahaing lugar sa Quezon City.
Ayon kay Mike Marasigan ng QCDRRMO, nasa 7 pamilya na ang nagboluntaryong lumikas sa evacuation center sa Barangay Bagong Silangan at nasa 2 pamilya sa Roxas District.
7 mga lugar sa Brgy. Bagong Silangan ang target ng force evacuation na ipinatutupad na ngayon ng Quezon City Disaster Risk Reduction and Management Office ng QC.
Ngayon lamang ay pinangungunahan ng QCDRRMO at mga opisyales ng Brgy. Bagong Silangan ang paglilikas ng mga residente na nasa mabababang lugar partikular na ang nasa gilid ng Tumana River.
Kagabi pa inumpisahan ng City Government ang paglilikas ng mga residente pero hindi nailikas yung iba lalo na ang nasa Sitio ng Tumana, Greenland, Bona, Tagumpay at iba pa na nakatira sa retaining wall ng Tumana River.
As of 9:30am, nasa 8 pamilya na ang naililikas at nasa evacuation center sa covered court ng barangay na nasa tapat lamang ng barangay hall.
Sa isinagawang accident management team meeting na pinangunahan ni Mayor Joy Belmonte kahapon. Ipinag-utos na nito ang evacuation ng mga residente na nakatira sa sa tatlong critical areas.
Kabilang sa mga lugar na ito ang Roxas District, Apolonio Samson at Brgy. Bagong Silangan.
Paliwanag ni Mayor Belmonte, ang pre-emptive evacuation na ito ay para maiwasan ang nangyari noong humagupit ang bagyong Ondoy kung saan 288 mga residente ng Bagong Silangan ang namatay noong 2009.