BRGY. GAGABUTAN, NAGHAHANDA NA SA EPEKTO NI BAGYONG CRISING ‎

‎CAUAYAN CITY – Pinaghahandaan na ng Brgy. Gagabutan sa Lungsod ng Cauayan ang banta ng Bagyong Crising.

‎Ayon kay Kagawad Ricky Calapit, hindi na bago sa kanilang barangay ang mabaha kapag may mga ganitong bagyo.

‎Subalit sa kabila nito aniya, naghahanda pa rin sila sa maaaring maging epekto ng Bagyong Crising lalo na’t pasok na sa Tropical Cyclone Wind Signal ang buong lalawigan ng Isabela.

‎Kabilang sa paghahandang ginawa ng barangay ang pagbibigay ng abiso kaugnay sa bagyo sa mga residente.

‎Bukod dito, kung sakaling lumakas at magdala ng pag-ulan ang bagyo, nakahanda rin ang kanilang mga bangka na maaaring gamitin sa pagresponde.

‎Hinahanda na rin umano nila ang mga evacuation centers na maaaring maging pansamantalang tirahan kung aabot man umano sa punto na kailangang lumikas ng mga residente.

‎Samantala, isa umanong hamon sa kanila ang mga ganitong bagyo dahil nadadamay ang kanilang mga tanim na gulay at halaman.

‎Ang Brgy. Gagabutan ay isang sa mga supplier ng gulay sa Lungsod ng Cauayan.

Facebook Comments