Matapos mabunyag na may mga lokal na opisyal ng gobyerno ang sumusuporta sa New Peoples Army (NPA), bubuo na ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ng Barangay Intelligence Group.
Una nang ibinunyag ng DILG ang nasa 349 na opisyal mula sa lokal at nasyunal na pamahalaan na nasa listahan ng ‘di umano’y nagbibigay ng suporta sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) sa pamamagitan ng extortion money at ‘permit to campaign fees.
Sa panayam ng DZXL RMN Manila, sinabi ni Undersecretary for Barangay Affairs Martin Diño na magtatalaga sila ng barangay intelligence officer sa may 2,444 barangay sa bansa.
Kabilang sa training na ibibigay sa kanila ay ang basic journalism, data gathering at data recording.
Tulad ng narco list, nais din ni Diño na mapangalanan ang mga lider barangay o local government officials na sumusuporta sa NPA.
Aniya, dapat na maibunyag ang gawaing ito dahil sa halip na proteksyunan ang publiko, mas kumampi pa ang mga ito sa kaaway ng gobyerno.